Pages

300K maaaring mamatay sa COVID-19 sa Bicol


Pinangangambahang umabot sa 306,691 katao ang puwedeng mamatay sa Bicol dahil sa COVID-19 kung patuloy na magmamatigas at hindi susunod ang mga residente sa enhanced community quarantine.
Ayon kay Dr. Ernie Vera, regional director ng Department of Health (DOH) sa Bicol, sa tala ng mga health workers at local government units ay mahigit 80,000 Bicolano ang umuwi sa lalawigan mula Metro Manila matapos ang deklarasyon ng total lockdown sa buong Luzon. Lahat ito ay itinuturing ngayong persons under monitoring o PUM habang may pitong under investigation (PUI) ang rehiyon.
Kung hindi umano susunod ang mga residente sa 14-araw na quarantine period, posibleng 14 porsyento o 858,737 mula sa 6,133,836 populasyon sa Kabikolan ang magkakaroon ng malubhang sintomas ng COVID-19 at 5% o 306,691 ang puwedeng mamatay.

Sinabi ni Vera na base sa 6.5-araw na incubation period ng virus ay maituturing na nasa mga pintuan na ng Bicol ang naturang sakit at anumang oras ay posibleng magkaroon na ng COVID-19 sa rehiyon.
Ang Bicol Region ay binubuo ng anim na lalawigan (Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Masbate, Sorsogon, Albay) na may pitong siyudad, 108 munisipalidad at 3,471 barangays kung saan ang sentro ay sa Legazpi City.