Manila, Philippines – Sinabi ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na inalis sa puwesto ni Pope Francis si Cardinal Luis Antonio G. Tagle, bilang archbishop of Manila.
Nagalit aniya kasi si Pope Francis sa pakikialam ni Tagle sa politika.
Sa naging talumpati ng Pangulo sa 2020 General Assembly of the League of Municipalities of the Philippines (LMP), ay sinabi nito na kasalukuyan nang iniimbestigahan si Tagle at pinalitan na siya ng isang “officer in charge.”
“Tignan mo nagamit nila ang pera. Kinontribute nila doon sa yellow-yellow. Tignan mo nangyari. Wala tayong bishop ngayon. Hindi mo ba alam? Tinanggal… Tagle was out. He was investigated. We were given a caretaker now who is a priest. Manila doesn’t have a bishop. The Pope got mad because he meddled with politics. That’s the truth. That’s why we were given an officer in charge. We don’t have a bishop. Tagle was out. He was investigated. That’s an open secret,” ayon sa Pangulo.
Si Tagle ay itinalaga ni Pope Francis noong Disyembre 2018 bilang bagong Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples, isa sa mga nangungunang departamento sa Roman Curia.
Sinasabing sinamahan nito si Pope Francis sa Vatican City para sa Ash Wednesday nitong Pebrero.
Ani Pangulong Duterte, ito naman ang dahilan kung bakit hindi na nagtalaga pa ng bagong Manila Archbishop si Pope Francis simula nang alisin sa puwesto.
Si Bishop Broderick Pabillo ay nagsisilbi ngayon bilang apostolic administrator of the Archdiocese of Manila, ay kinukunsidera ngayon bilang “sede vacante,” na ang pakahulugan sa Latin ay “vacant seat.”
Sa isang homily noong 2018, tinira at hayagang binatikos ni Tagle ang mapang-abuso sa kapangyarihan na ang interpretasyon ng iba ay isang parunggit sa mga kilos ng Pangulo.
Ang buwelta naman ni Pangulong Duterte ay hindi siya kailanman nang-bully ng tao.
Matatandaang sa mga nakalipas na talumpati ng Pangulo ay tinawag nito ang Catholic Church bilang “the most hypocritical” institution sa Pilipinas. Kris Jose